Wednesday, August 17, 2011

Ano Suot sa Simbahan?

Mayroon tayong tinatawag na pan-Linggong Damit. Ito yung damit na pinakamaganda. Pinakamaayos. Iba't iba ang narinig kong dahilan kung bakit:

1. Kapag pupunta tayo sa isang pagpupulong at may makakausap tayong malalaking tao, isusuot natin ang pinakamaganda nating suot o maaaring bibili pa tayo ng bagong damit kaya dapat.

2. Masyadong espesyal ang araw ng Linggo dahil araw ito ng pagsamba at dapat paghandaan kaya dapat magandang damit.

Naniniwala akong dapat maganda ang damit pagharap sa Panginoon. Ngunit hindi ang damit na pisikal kundi Espiritual. Bakit? Ang Diyos ay Espiritu at sa puso tumitingin hindi sa pisikal na suot.

Hindi rin maaaring idahilan yung ikalawa. Dahil hindi lang tuwing Linggo ang pagsamba kundi araw-araw. Kung ano ang ginagawa mo sa araw araw, ginagawa mo yan dahil sa Panginoon at yan ay pagsamba. Ang Linggo ay sama samang pagsamba at pagbabahaginan ng karanasan. Pagpapalakasan ng bawat isa at sama samang panalanginan.

Bakit kailangang maganda? Tao ang makakakita nito at maaaring magbulid sa pagyayabangan at pasikatan.

Nasa tao kung ano gusto nyang isuot sa araw ng pagsamba basta't hindi makakapaglagay sa kanyang kapatid sa pagkatisod at pagkakasala. Ito ay sa ganang akin lamang at ito ang pananampalataya ko. Kung hindi tayo magkatagpo hindi ko ito ipipilit sa iyo.

Pagpapala ng Panginoong Diyos na ang suma atin.

Wednesday, May 18, 2011

Determinants ng Matrix

Sinubukang kong buklatin kung paano kinukuha ang Determinants ng isang kuwadradong matrix. Walang determinants ang parihabang matrix na hindi pareho ang bilang pahalang at bilang patayo.

Ang konsepto ng Calculus ay pagkuha ng pag-aari ng isang maliit na bagay mula sa isang bagay. Yung mga maliliit na bagay na yun kapag pinagsama-sama ang bubuo ng isang bagay. Bigla ko tuloy naisip yung kanta ng Asin na sinulat ni Nonoy Pillora, Jr. - "Tuldok". Yan ang konsepto ng Calculus na halos sabay na formulate ni Newton at Leibniz. Inisip ko na maaari itong gamitin din siguro sa Matrix.

Kung maaalala natin ang Atom ang bumubuo sa isang bagay. May mga tinatawag na cell ang buhay na nilalang. Lahat ng bagay ay binubuo ng maliliit na bagay. Kung sakali, paano kaya ang isang Matrix? Bakit kailangan ng determinant? May mas madali bang paraan para makuha ang determinant?

Ang natuklasan ko, nang bulatlatin ko ang mga formulang ginagamit, ang mga numero sa loob ay magkakabahagi para sa Determinant. Lahat ng miyembro sa loob ng Matrix ay kailangang gamitin para makuha ang Determinant. Kailangan kasi ng Determinant para makuha ang kabaliktaran nito. Madali kong nagawa ang formula para rito sa Spreadsheet ng Openoffice, pero hanggang 5x5 matrix lang. Kung tutuusin may mga 1000 x 1000 o higit pa na matrix. Nakakalulang isipin kung paano kuhain yung determinant nun, lalo na yung kabaliktaran.

Magkakaugnay ang mga bilang. Naaalala ko tuloy yung Ohana ng Hawaii. Walang isasantabi, walang iiwan. Sama-sama.

Kung gayon may paraan ba para masolusyunan ang mga ganung kalaking problema? Meron. Mahirap kung mahirap dahil wala namang madali sa mundo.

Si Cholesky nakagawa ng paraan para mapadali ang pagkuha ng solusyon, yun nga lang depende sa laman ng Matrix, dapat Positive Definite. Gusto ko sanang gumawa ng pangkalahatang solusyon para sa malalaking matrix, pero mukhang imposible sa taglay kong karunungan sa ngayon. Subukan ko muna yung ginawa ni Cholesky na depende sa laman baka mapadali kahit kaunti. Makatulong kahit paano. Tingnan natin.

Monday, April 18, 2011

DALOY: Ang pumasok na Q ay pareho ng lumabas na Q

Kung ano pumasok sa iyo, yun din ang lalabas. Napaka-interesante pala ng kunseptong ito. Hindi lang magagamit sa larangan ng agham kundi sa pang-araw-araw na pamumuhay din ng tao.

Naaalala ko pa ang ilan sa mga karunungang natutunan ko nung kumukuha ako ng karera. Sa isang asignaturang kinuha ko, natutunan ko na kung ano ang pumasok sa isang tubo, yun din ang lalabas dito. Malamang. Napakasimple. Hindi na kailangan ng paliwanag. Kapag kinuha ang pwersa sa isang bahagi ng tubo na dinadaluyan ng, sabihin na nating, tubig pare-pareho ito sa lahat ng bahagi kung ang tubo ay (1.) hindi magbabago ng kanyang taas buhat sa isang tukoy na taas, (2.) kung ang tubo ay hindi nagbabago ng laki at (3.) hindi kapansin pansin ang pagkawala. Ang daloy din ng tubig ay pareho ng daloy ng pumapasok sa tubo, ng dumadaloy sa loob at ng daloy ng lumalabas kung ang tatlong dahilang nabanggit sa taas ay nakuha.

Ang tao, kumakain, nagbabasa, nakikinig, nanonood, nakakaramdam, nakakaamoy, nakakakita, at iba pa na maaaring magpasok ng mga bagay bagay sa loob ng tao. Ang mga ito ay lumalabas kung ang lahat ng ito ay kinuhuha natin at tinatanggap. Ang mga hindi natin matanggap o nais ay isinusuka natin. Minsan tinatakpan natin ang ating tainga o mata o ilong upang makaiwas.

Ang mga pagkain na pumapasok sa atin ay lumalabas sa pamamagitan ng enerhiyang nagagamit natin buhat dito. Ang mga sobra na hindi natin nagagamit ay may dalawang dinaraanan - sa ating pwet upang ilabas at sa ating balat na nagiging taba. Minsan ang mga bagay na sobra at hindi na natin kailangan na naipasok sa ating katawan ay lumalabas sa pamamagitan ng sakit.

Ito'y katulad ng tubo na dinadaluyan ng tubig. Kung ang tubo ay tuluy-tuloy sa pag-agos, walang maaaring maging problema. Ngunit kung ang tubo ay pilit na pinapasukan ng tubig na hindi na kakayanin ng tubo dahil kakaunti ang nilalabas nito (siguro kaya kaunti ang inilalabas ay dahil sa lumiit ang bahagi ng tubo na nilalabasan ng tubig), maaaring ito'y lalabas sa hindi labasan ng tubig. Sisirain nito ang tubo upang may malabasan. Ganyan marahil ang nagyayari kaya't nagkakasakit ang tao o tumataba ang tao dahil sa sobra. Ang gayon ay hindi malayo sa kamatayan o pagkasira ng tubo.

Ang mga karunungang pumapasok sa atin, yan din ang lumalabas. Kung tinanggap natin ang mga karunungang mula sa Diyos sa pamamagitan ng Biblia o ng mga kapatid sa Iglesia, lalabas sa atin yun. Kung hindi magpapatuloy ang pagpasok ng mga karunungang mula sa Diyos, walang ilalabas ang kabilang bahagi ng tubo kaya't wala tayong mailalabas. Ngunit ang karunungang mula sa Diyos ay nahahaluan madalas ng karunungan ng sanglibutan kaya't halu-halo na ang karunungan. Ang ilang mali ay pinipilit gawing tama. Ganyan ang nangyayari kung ang tubo na dinadaluyan ng dalisay na tubig ay mahaluan ng lupa. Kahit anong gawin mo, lalabas at lalabas ang karunungan ng sanglibutan sa dulo ng tubo. Kaya't kailangan salain ang mga pumapasok sa unahang bahagi ng tubo. Ang sabi nga ng Panginoon, kunin ang mabuti at itapon ang masama.

Wala tayong dala ng ipanganak tayo ng ating ina. Wala rin tayong madadala kapag bumalik na sa lupa ang ating katawan. Kung gayon, ang mga pumapasok na kayamanan sa atin kung hindi natin ilalabas mapupuno tayo at puputok. Marami nang napahamak dahil sa kayamanan. Magbahagi. Mamili. Gamitin sa pakikipagkaibigan ang kayamanan.

Ano ngayon ang gusto kong ipunto? Maraming bagay ang pumapasok sa atin. Mabuti at masama. Sobra, kaunti, o tama lang. Tulad ng tubo na biniling walang lamang tubig, dumating tayo sa mundo na walang dala. Wala na ring tubig ang tubo ng itapon na tulad natin, wala ring madadala sa kabilang buhay. Salain ang pumapasok sa atin. Itapon ang masama at tanggapin ang mabuti. Huwag pipigilan ang paglabas ng tubig sa kabilang bahagi habang ang bahaging pinapasukan ay tuluy-tuloy sa pagpasok. Maaaring masuka ka o di kaya ay pumutok ang iyong tiyan.

Ang mga nakasulat dito ay maaari mong padaluyin sa tubo ng iyong pagkatao o di kaya ay isuka. Daloy daloy daloy.

Friday, March 4, 2011

Eba ni Adan 3

Alin bang kwento sa Bible ang may pinakamagandang Love Story? Paano ba dapat nagsisimula ang Love Story? Paano ba talaga nagiging isa ang babae at lalaki? Nagsisimula ba talaga ang pag-ibig kapag naakit sya ng pisikal na anyo ng babae? May pag-ibig na ba run? Paano mo malalaman kung nagagandahan ka lang o mahal mo na talaga? Paano mo malalaman?

Eva at Adan
Raquel at Jacob
Siquem at Dina
Samson at Delilah
Ruth at Booz
David at Michal
David at Abigail
David at Bathsheba
Tamar at Amnon
Jose at Maria

Mas masaya sigurong pag-aralan yung unang nilikha ng Panginoong Diyos ang pag-ibig ng babae at lalaki sa isa't isa sa halamanan ng Eden.

Mag-isa si Adan sa Eden. Nalulungkot. Gumawa sya ng mga hayop at iniharap sa tao, pero walang nakapagpasaya rito. Pinatulog ng Diyos ang lalaki. Isang mahimbing na mahimbing na pagtulog. Kinuha ng Diyos ang isang tadyang at ginawang babae. Nang matapos, iniharap nya ito sa lalaki at nasambit ng lalaki, "Ito'y buto ng aking buto, laman ng aking laman. Tatawagin syng babae dahil sa lalaki sya nagmula."

Napakatamis na pagsisimula ng pag-ibig. Ngunit maraming nabago paglipas ng panahon. Sinira ng tao ang gawa ng Diyos. May mga lalaki na pumapatol sa kapwa lalaki at may mga babae na pumapatol sa kapwa babae. Nakakalungkot, ang ganda ng ginawa ng Panginoon ay sinira ng tao. Pinagpipilitan ang gusto.

Pero hindi ko run nais umikot. Sa aking sarili mayroon akong suliranin. Hindi ko matiyak kung pag-ibig ang aking nadarama o paghanga lang sa pisikal na kaanyuan ng babaeng tinutukoy ko. Paano ba kasi malalaman?

Ang sabi sa banal na kasulatan, bago maramdaman ni Adan ang pag-ibig, sya'y tulog. Pinatulog ng Panginoon. Mahimbing na mahimbing na pagkakatulog upang kunin ang kanyang tadyang. Hmn? Pinatulog na ba ako ng mahimbing ng Panginoon? Natutulog pa rin ba ako ng mahimbing? O gising na ako?

Mula sa tadyang lalaki, ginawa ng Diyos ang babae. Nakuhaan kaya ako ng tadyang? Kulang kaya ang tadyang ko? Meron kayang ginagawa para sa akin ang Diyos? Tapos na kaya kung meron man?

Dinala ng Diyos si Eva kay Adan. Yung babaeng kinagigiliwan ko ba ang babaeng hinaharap sa akin ng Panginoon na mula sa tadyang ko? Sya na kaya? Hinaharap na sa akin ng Panginoon?

May isa pa. Tinanggap ni Adan at ikinaligaya ang bigay sa kanyang kasama ng Panginoong Diyos. Sya na ba magpapaligaya sa buhay ko? Makakatulong? Makakasama? Magiging matalik na kaibigan habang buhay? Kasayaw sa awit ng buhay?

Hindi ko alam kung bakit nahihirapan ako at kung bakit pino-problema ko ito. Pero isa lang ang sigurado ko: Kung sya na nga, ilalapit sya sa iyo ng Diyos. Kung sya na nga, ano naman ang magiging dahila ng Panginoon para hindi sya ilapit sa iyo maliban na lang na hindi pa tapos ang pagkakagawa?

Hintay hintay pa rin. Tama nga ang sabi ng matatanda: Ang tunay na pag-ibig ay naghihintay. Hintay hintay pa. Kung gusto mo, tulog ka pa. Maya maya, ihaharap na sa iyo ng Panginoon ang babaeng mula sa iyong tadyang.

Salamat sa Panginoon!

Thursday, January 20, 2011

Eva ni Adan 2

Naglalakad ako sa bakubakong daanan.
Isang grupo ng mga Binibini ang nasa harapan.
Iba't iba ang itsura, ngunit may isa, tumawag sa aking mata.

Katawan nya'y balingkinitan,
Taas nya'y katamtaman,
Suot nya'y kagalanggalang.

Sa patuloy na paglapit,
Sa patuloy na pagmamasid,
Patuloy na lumilinaw ang aking paligid.

Balat nya'y malagatas,
Kutis nya'y malaperlas,
Buhok nya'y maayos, walang tikwas.

Hakbang ko'y dinagdagan,
Oras inuunahan,
Kanyang mukha'y sabik silayan.

Kanyang mukha'y mayumi.
Mapupulang labi ay nakangiti,
Mga mata'y nangungusap ng pagbati.

"Kamusta Binibini?" lumabas sa aking labi.
Yan ang aking bati.
"Mabuti." kanyang ganti.

Puso ko'y nagtatalon sa tuwa!
Sumagot sa akin ang magandang dalaga,
Hindi ako sa kanya napahiya.

Diyan nagsimula ang pagkakaibigan,
Haggang kami'y nagsumpaan,
"Pagkakaibigang Walang Hanggan!"

Wednesday, January 12, 2011

Ang Sulat: Panimula

Malamiglamig pa ang samyo ng hangin sa tabi ng bintana ng isang Bus papuntang Fairview. Nasa itaas ng Ortigas Flyover ang Bus na sinasakyan ni Isko. Hindi nya pinapansin ang isang pusturang pusturang lalaki na nagsasalita sa gitna.

"Ayon po sa Mateo kapitulo anim sa mga talatang tatlumpu't tatlo 'Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo.' Ayon sa atin binasa, makukuha natin lahat. Take note: Lahat. Lahat ng kailangan natin KUNG... mayroong kung, pagsusumakitan nating ang pagharian tayo ng Diyos AT.. may at, mamuhay ng ayon sa kalooban nya." sabi ng lalaking pusturang pustura sa harap. "May tatlong bagay na nais kong bigyan natin ng diin: una, Pagharian tayo ng Diyos; pangalawa, Pamumuhay ayon sa kalooban ng Diyos; at pangatlo, Ipagkakaloob lahat ng kailangan natin."

Alam na ni Isko kung anong sinasabi ng lalaki. Wala syang palya sa kada Linggong simba sa kanilang kapilya. Bagama't napakikinggan nya ang sinasabi ng lalaki, hindi nya ito ninanamnam.

Katulad ni Isko, parang wala ring pakialam ang konduktor. Parang walang nagsasalita sa gitna. "May bababa sa Santolan!?" Sigaw ng konduktor habang naniningil sa mga pasahero. "Meron!" Sagot ng isang pasahero. Sabay pukpok ng konduktor ng limampiso sa stainless na hawakan ng Bus. "Yung mga wala pang bayad riyan..."

Kasabay ng ingay ng konduktor ang ingay ng makina ng Bus. Kaya't kahit gustuhin mang namnamin ng mga pasahero ang sinasabi ng pusturang lalaki, medyo mahirap. Itong pusturang lalaki naman, malumanay ang pagsasalita.

Tulad ng inaasahan ni Isko at ng mga pasahero, konduktor at Driver ng Bus, naglabas ng sobre ang pusturang lalaki. "Isa sa palatandaan nang paghahari ng Panginoon ang pagbibigay. Kung tayo'y nagbibigay, nagsisimula na sa atin ang paghahari sa atin ng Diyos." Sabi ng nakapusturang lalaki. "Ang makukolektang salapi ay gagamitin upang lalo pang lumaganap ang salita ng Diyos."

Pagdating ng Bus Stop sa Santolan ng Bus, isa lang ang bumaba, walang sumakay at namimigay na ng sobre ang nakapusturang lalaki. Sumisigaw ang konduktor, "Fairview,  Fairview, Fairview!!"

Maingay. Bumubusina ang Bus. Dumating kay Isko ang nakapusturang lalaki. Inabutan sya nito ng sobre. Tiningnan nya ang pusturang lalaki sa mata, tiningnan ang sobre at pagkatapos ay umiling. Hindi na nangulit ang nakapusturang lalaki, umalis agad.

Iniisip ni Isko, "Nagbayad kaya yun? Binigyan din kaya nya ng sobre ang Driver at Konduktor? Paano kaya nali-Liquidate ang pera na nakukolekta nya? Ginagastos kaya nya ang ilan sa mga nakukuha nya? Ano kaya ang iniisip nya habang nangangaral sya? Ano kaya motivation nya sa pagpalipatlipat ng bus? May trabaho kaya syang iba?"

Paulit-ulit ang ingay ng bus hanggang sa dumating sa Cubao. Bumaba ang pusturang lalaki sa may nakalagay na "BAWAL ANG TAO RITO", sa bagay traffic naman. Lumipat agad sya ng ibang Bus.

Bumaba rin si Isko sa Cubao.

Pasimula sa Dulo

Sa mga mambabasa:

Kung sakaling mabasa nyo ito, dito ako nagsimula. Hindi ko alam kung anong mangyayari. Ang sigurado 'ko, mapupunta ito sa huli. Maaaring walang makakabasa nito kundi ako. Walang kwenta. Magkakaroon lang ito ng kwenta kung sakaling may magbasa nito at maglagay ng kanyang puna.

Ano nga ba ang silbi ng kaunaunahang artikulo na mapupunta sa dulo? Kung ilagay ko man dito ang mga bagay na iniisip kong ilalagay ko rito, ano naman ang halaga nito sa iba o sa akin kung mapupunta sa huli? Ano ba ang silbi ng Panimula na nasa dulo?

Paano ba ito? Ilalagay ko pa ba ito o hindi?

Kung sakaling mabasa nyo ito, ibig sabihin nagpasya akong ilagay na lang.

Ano ba ilalagay ko rito? Ano ba ilalagay ko sa banga? Mga laman ng aking isipan. Maaaring may kinalaman sa Sining o Agham o Sipnayan o Kasaysayan o Paniniwala o pinagsama ng mga ito.

Paano?