Wednesday, January 12, 2011

Ang Sulat: Panimula

Malamiglamig pa ang samyo ng hangin sa tabi ng bintana ng isang Bus papuntang Fairview. Nasa itaas ng Ortigas Flyover ang Bus na sinasakyan ni Isko. Hindi nya pinapansin ang isang pusturang pusturang lalaki na nagsasalita sa gitna.

"Ayon po sa Mateo kapitulo anim sa mga talatang tatlumpu't tatlo 'Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo.' Ayon sa atin binasa, makukuha natin lahat. Take note: Lahat. Lahat ng kailangan natin KUNG... mayroong kung, pagsusumakitan nating ang pagharian tayo ng Diyos AT.. may at, mamuhay ng ayon sa kalooban nya." sabi ng lalaking pusturang pustura sa harap. "May tatlong bagay na nais kong bigyan natin ng diin: una, Pagharian tayo ng Diyos; pangalawa, Pamumuhay ayon sa kalooban ng Diyos; at pangatlo, Ipagkakaloob lahat ng kailangan natin."

Alam na ni Isko kung anong sinasabi ng lalaki. Wala syang palya sa kada Linggong simba sa kanilang kapilya. Bagama't napakikinggan nya ang sinasabi ng lalaki, hindi nya ito ninanamnam.

Katulad ni Isko, parang wala ring pakialam ang konduktor. Parang walang nagsasalita sa gitna. "May bababa sa Santolan!?" Sigaw ng konduktor habang naniningil sa mga pasahero. "Meron!" Sagot ng isang pasahero. Sabay pukpok ng konduktor ng limampiso sa stainless na hawakan ng Bus. "Yung mga wala pang bayad riyan..."

Kasabay ng ingay ng konduktor ang ingay ng makina ng Bus. Kaya't kahit gustuhin mang namnamin ng mga pasahero ang sinasabi ng pusturang lalaki, medyo mahirap. Itong pusturang lalaki naman, malumanay ang pagsasalita.

Tulad ng inaasahan ni Isko at ng mga pasahero, konduktor at Driver ng Bus, naglabas ng sobre ang pusturang lalaki. "Isa sa palatandaan nang paghahari ng Panginoon ang pagbibigay. Kung tayo'y nagbibigay, nagsisimula na sa atin ang paghahari sa atin ng Diyos." Sabi ng nakapusturang lalaki. "Ang makukolektang salapi ay gagamitin upang lalo pang lumaganap ang salita ng Diyos."

Pagdating ng Bus Stop sa Santolan ng Bus, isa lang ang bumaba, walang sumakay at namimigay na ng sobre ang nakapusturang lalaki. Sumisigaw ang konduktor, "Fairview,  Fairview, Fairview!!"

Maingay. Bumubusina ang Bus. Dumating kay Isko ang nakapusturang lalaki. Inabutan sya nito ng sobre. Tiningnan nya ang pusturang lalaki sa mata, tiningnan ang sobre at pagkatapos ay umiling. Hindi na nangulit ang nakapusturang lalaki, umalis agad.

Iniisip ni Isko, "Nagbayad kaya yun? Binigyan din kaya nya ng sobre ang Driver at Konduktor? Paano kaya nali-Liquidate ang pera na nakukolekta nya? Ginagastos kaya nya ang ilan sa mga nakukuha nya? Ano kaya ang iniisip nya habang nangangaral sya? Ano kaya motivation nya sa pagpalipatlipat ng bus? May trabaho kaya syang iba?"

Paulit-ulit ang ingay ng bus hanggang sa dumating sa Cubao. Bumaba ang pusturang lalaki sa may nakalagay na "BAWAL ANG TAO RITO", sa bagay traffic naman. Lumipat agad sya ng ibang Bus.

Bumaba rin si Isko sa Cubao.

2 comments:

  1. Alam kong lahat ng nabasa ko ay katotohanan at totoong nangyayari. Alam ko din na ito ay patungkol sa mga mangangaral sa bus. Isa akong media practitioner kaya naglakas loob akong kapanayamin ang isa sa kanila. Na-curious ako. Lahat ng tanong mo ay itinanung ko din sa kanila noon. Mabuti silang tao at wala naman akong nakikitang mali sa knilang ginagawa. Sa mga pangangaral na ginawaga nila ay ipinapanalangin muna nila ito. Bago sila sumakay ng busay sila ay nagpapalaam sa kunduktor or driver at bilang tulong nila sa mangangaral ay hindi na nila sila pinagbabayad at mayroon time na kahit hindi nila abutan ng sobre ang konduktor at driver ay nagbibigay din sila ng kusa. Iba sa kanila ay may trabaho, Professional pa nga yung iba at may sinabi pa sa buhay ngunit gaya nga ng pinapangaral nila, nagpapakababa sila sa paningin ng tao at ng Dios dahil sa pagsunod sa buong kalooban ng Dios na ipangaral ang evangelio. Sabi ng nakapanayam ko, Totoong nakakatakot at minsan nakakahiya dahil tatayo sa sa gitna ng maraming tao at kung-ano-ano ang sasabihin nya. Ngunit sabi nya, naglilingkod sya sa DIos at wala dapat syang ikatakot. At ang pagbibigay ng kaloob or "love offering" ay hindi naman compulsory. Ito ay ginagamit sa mas malawakang pangangaral ng salita ng Panginoon. Kung makapagbigay daw ay kapahayan na tayo ay sumasampalataya at kung hindi man tayo makapagbigay ay sapat pa rin ang biyaya ng DIos sa bawat isa sa atin sabi niya. Tapat ang mga mangangaral, Hindi nila ginagastos ang mga kaloob na natatangap nila. "Kung makita nyo man kaming kumakain ay may sarili din kaming biyaya." sabi niya. Ang nakapanayam ko ay isang College student mula sa CEU. Anak sya ng isang abogado at dentista.

    Sa aking palagay. There is nothing wrong in preaching the world of God. Sabi nga sa banal na kasulatan na ipangaral ang Evangelio sa lahat ng kinapal (Mark 16:15). Sila rin ay makikitang nangangaral sa Likuang daan, bahay, plaza, pier, barko, airport, at kung saan saan pa.

    Marami pa syang naikwento sa akin.
    If you want to know more email me: sephdanalina@gmail.com

    ReplyDelete
    Replies
    1. "Ikinagagalak ko pa nga na si Kristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng ibang mga nangangaral." Filipos 1:18b

      Wala akong problema sa pangangaral sa Bus. Magandang gawain yun. Ang tanong lang ay kung epektibo ba? Kung nakaaangat sila sa buhay, ano kaya, sa halip na manghingi ng kaloob sa Bus ay sila na lang ang magbigay ng kaloob sa tao? Yung tipong, "Sinong nauuuhaw? May mga libreng malamig na inumin dito at nais ko kayong bahaginan. Ang mga tubig na binibigay ko sa inyo ay pangpisikal at maya-maya ay mauuhaw ulit kayo. Si Hesus ang 'Tubig ng Buhay' at ang sinumang lumapit sa kanya ay hindi na mauuhaw...." Sa halip na manghingi, magbigay. Ipadama ang pinangangaral na pag-ibig ng Diyos.

      Hindi ko malilimutan ang isang karanasan ko sa Bus ni Don Mariano pag-uwi ko galing trabaho. May lalaking maitim, payat, naka-t-shirt na damit, maong na pantalon at tsinelas na panyapak. Nasasalamin sa kanyang itsura ang kahirapan at mas aakalain mong holdaper kaysa Propeta. Mahigpit ang kapit nya sa hawakan na nasa itaas upang hindi matumba dahil sa pagliku-liko ng mabilis na higanteng sasakyan. Hindi sya nakamikropono ngunit dinig sa likod ang kanyang tinig. Nilinaw nya sa kanyang pangangaral na hindi sya manghihingi ng kaloob o kahit ano. Ang tinig nya ay may kapangyarihan. Madarama mo ang Espiritu Santo na sumasakanya dala ng mula sa pusong mga Salita ng Diyos. Inakay nya ang mga tao sa pananalangin ng pagtanggap sa Panginoong Jesus bilang Panginoon ng buhay at tagapagligtas. Nakakatuwang isipin na may isang malakas ang tinig na sumunod sa kanyang panalangin habang namumugto ang tinig. Epektibo ang pangangaral nya at ang mga anghel sa Langit ay nagkakantahan sa galak sa pangyayari.

      Ano ba talaga ang pangangaral sa mga Bus at panghihingi ng kaloob? Ang makukuhang "Kaloob" o ang "Pagpapakilala sa Panginoon sa Bus"? Epektibo ba?

      Pagkatapos ng araw, tayo ay may kanya kanyang pananagutan sa Diyos. Hindi tayo mananagot sa kahit kanino kundi sa Diyos. May sisingilin sa akin, meron sa iyo, mayroon sa kanya.

      Anu't ano man, salamat sa pagbabasa. Salamat sa pagsilip sa Banga. Nawa'y nasiyahan at naaliw ka. Ang Diyos ang sa iyo magpala.

      Delete